PUERTO PRINCESA CITY, Palawan (PIA) — Isinusulong ng Sangguniang Panlalawigan (SP) ang pagpoposisyon sa Palawan bilang “pinakaligtas na lugar sa Pilipinas” upang higit pang makahikayat ng mga turista.
Ayon kay SP Member Rafael Ortega Jr., nakabatay ang panukala sa pagiging insurgency-free ng Palawan sa loob ng tatlong taon at sa pagiging seismically stable ng lalawigan. Aniya, maaaring gamitin ang mga ito bilang dagdag na atraksyon sa turismo.
Dadaan muna sa committee hearing ang panukala, kung saan iimbitahan ang PHIVOLCS para magbigay ng siyentipikong pananaw. Nilinaw ni Ortega na hindi kabilang sa naturang seguridad ang mga kalamidad tulad ng bagyo at pagbaha.
Samantala, ipinagdiwang ng Palawan noong Setyembre 1 ang ikatlong taon ng pagiging insurgency-free, kung saan nilagdaan ng mga ahensya at lokal na pamahalaan ang pledge of commitment para mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa lalawigan.