CALAMBA CITY, Laguna (PIA) — Pinasalamatan ng mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs) sa CALABARZON ang Department of Trade and Industry (DTI) sa patuloy na suporta nito sa pagpapalago at pagpapalawak ng merkado para sa mga lokal na produkto.
Ayon kay Samuel Arceta, isang lokal na prodyuser mula Majayjay, Laguna, malaking tulong ang mga programa ng DTI tulad ng product promotion at market-linkage activities upang mas makilala at maibenta sa mas malawak na merkado ang mga produktong atsara, pulot, at lambanog mula sa kanilang lugar.
Samantala, ibinahagi rin ni Mina Mendoza, producer ng El Kapitan Buko Pie sa Lucena City, na nakatulong ang DTI sa kanilang grupo sa pamamagitan ng mga pagsasanay, branding at packaging assistance, at pagsali sa mga trade fair tulad ng Kalakal.
Binigyang-diin ng DTI na ang mga ganitong programa ay naglalayong tulungan ang MSMEs na mapabuti ang kanilang produkto, makilala ang kanilang tatak, makahanap ng bagong merkado, at maging mas kompetitibo.
Sa pamamagitan nito, hindi lamang napapalago ang mga negosyo kundi nalilikha rin ang mga oportunidad sa kabuhayan at napapalakas ang lokal na ekonomiya.
Source: PIA CALABARZON