Nagtipon nitong Setyembre 1, 2025 sa Hotel Lucca, Legazpi City, Albay ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office V – Bicol Region kasama ang mga katuwang na ahensya at partner-beneficiaries ng Tara, Basa! Tutoring Program (TBTP) upang ipagdiwang ang Regional Culminating Activity bilang opisyal na pagtatapos ng implementation year 2025.
Pinangunahan ang aktibidad ni Regional Director Norman S. Laurio na binigyang-diin ang kahalagahan ng cash-for-work programs gaya ng TBTP sa pamamagitan ng Tutoring at Nanay-Tatay Sessions, na naglalayong matiyak na ang mga indigent college students at iba pang kabilang sa most vulnerable sectors ay magkaroon ng inklusibong access sa edukasyon at makalahok sa community service bilang susi sa malawakang pag-unlad ng komunidad, alinsunod sa direktiba ni DSWD Secretary Rex Gatchalian.

Kasama sa pagdiriwang ang Department of Education (DepEd) Regional Office V, mga katuwang na ahensya, tutors, YDWs, learners, at mga magulang mula sa Bulan, Sorsogon; Daraga, Albay; at Libmanan, Camarines Sur na sama-samang naging katuwang sa pagpapatupad ng programa
Naging makulay ang selebrasyon na sinabayan pa ng awit, sayaw at mga kwento ng tagumpay sapagkat itinampok dito ang mga testimonya ng mga tutors, YDWs at mga magulang, ang pagtatanghal ng talento mula sa partner-beneficiaries at TBTP team, at ang pagbabahagi ng mahahalagang aral mula sa mga katuwang na ahensya na walang sawang sumuporta sa programa mula simula hanggang sa pagtatapos nito.
Higit sa lahat, ipinakita ng pagdiriwang ang konkretong epekto ng programa, sapagkat sa loob lamang ng 20-day TBTP session ay naitala ang pagtaas ng mga learners na nakamit ang inaasahang antas sa pagbabasa sa parehong English at Filipino assessment, batay sa presentasyon ni DepEd RO V Regional Director Gilbert Sadsad.
Patunay ito na ang kabataang Bicolano ay hindi lamang tumatanggap ng kaalaman kundi nagsisilbing tagapagtaguyod ng pambansang kaunlaran sa pamamagitan ng maliliit ngunit makabuluhang hakbang, gaya ng pagbibigay-pag-asa sa pamamagitan ng pagbasa.
Source: DSWD Field Office V