Umabot sa 25,360 pamilya sa bayan ng Coron ang nakatanggap ng tig-10 kilo ng bigas sa isinagawang pamamahagi sa ilalim ng programang “Bawat Bayan Makikinabang” ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Pinangunahan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan, sa pangunguna ni Governor Amy Roa Alvarez, ang distribusyon ng bigas na isinagawa mula Agosto 10 hanggang Agosto 21. Layunin ng programa na makatulong sa mga pamilyang nangangailangan at maibsan ang kanilang gastusin para sa pagkain.

Pinondohan ang programa ng Tanggapan ng Pangulo sa pamamagitan ng Local Government Support Fund (LGSF), habang naglaan din ng counterpart funding ang Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan upang suportahan ang programa.
Ayon sa pamahalaang panlalawigan, magpapatuloy sa mga susunod na linggo ang pamamahagi ng bigas sa iba pang mga munisipyo ng Palawan. Sa kabuuan, 303,151 pamilya sa buong lalawigan ang target na mapagkalooban ng tig-10 kilo ng bigas bilang bahagi ng programang “Bawat Bayan Makikinabang.”
Source: PIA MIMAROPA