Umabot sa 36 kalsada, tulay at spillway sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan ng Batangas ang pansamantalang hindi madaanan matapos maapektuhan ng pagbaha, pagtaas ng tubig at pagguho ng lupa dulot ng habagat.

Ayon sa mga awtoridad, isinara muna ang mga apektadong ruta bilang pag-iingat sa kaligtasan ng mga motorista at residente. Ilang lugar naman ang nananatiling bahagyang madaanan, ngunit nilimitahan ang paggamit at pinayagan lamang ang mga motorsiklo at magagaan na sasakyan.

Patuloy namang minomonitor ng mga kinauukulang ahensya at lokal na pamahalaan ang kondisyon ng mga kalsada, tulay at spillway. Pinapayuhan ang publiko na iwasang dumaan sa mga lugar na may mataas na tubig o may panganib ng pagguho at makinig sa mga abiso ng lokal na pamahalaan para sa ligtas na pagbiyahe.

Pinapaalalahanan din ang mga motorista na huwag piliting tawirin ang mga bahaging binabaha upang maiwasan ang aksidente at iba pang insidente habang nagpapatuloy ang epekto ng masamang panahon.

Source: Batangas News Today

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *