Bilang paggunita sa ikalawang anibersaryo ng Insurgency-Free Palawan, nagsama-sama ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang maghatid ng libreng serbisyo sa mga mamamayan sa isinagawang programa sa Centennial Pavilion ng Kapitolyo noong Setyembre 1, 2025.

Pinangunahan ng Provincial Health Office ang pagbibigay ng serbisyong medikal gaya ng medical consultation, dental extraction, BP taking, malaria smearing, uric acid at blood sugar testing, STD/HIV screening, BMI determination, at pamimigay ng libreng gamot at bitamina. Nagkaloob din ang Philippine Marines ng libreng gupit, habang ang Provincial Tourism Office ay namahagi ng mga flyers at babasahin para sa promosyon ng turismo sa lalawigan.

Naghandog din ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas ng isang static display ng mga kagamitang pandigma at isang photo booth na kinagiliwan ng mga dumalo. Bahagi rin ng programa ang pagtatampok ng mga lokal na produktong gawa ng KADRE Palawan, gaya ng mga tsinelas, bayong, at iba pa, bilang suporta sa kabuhayan ng mga dating rebelde at kanilang pamilya.

Isa sa mga tampok ng selebrasyon ay ang seremonyal na pagpapalipad ng mga puting kalapati na pinangunahan ni Gobernadora Amy Roa Alvarez kasama ang iba pang mga opisyal. Ang simbolikong aktibidad na ito ay nagsilbing paalala ng pag-asa, katapatan, bagong simula, at kapayapaan sa buong lalawigan.

Sa kabuuan, ang selebrasyong ito ay hindi lamang pag-alala sa katahimikan ng lalawigan kundi pagpapatunay na sa pamamagitan ng pagkakaisa at patuloy na serbisyo, nananatiling matatag ang Palawan bilang isang modelo ng kapayapaan at kaunlaran sa bansa.

Source: Palawan Island Network

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *