Nagsagawa ng Information Education Campaign (IEC) ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Brooke’s Point para sa mga mag-aaral ng Malis National High School sa Barangay Malis noong Hulyo 8, 2025.

Layunin ng aktibidad na itaas ang kamalayan at kaalaman ng mga kabataan ukol sa kahalagahan ng kahandaan sa panahon ng sakuna. Pinangunahan ng mga kawani ng MDRRMO ang pagtuturo kung paano kilalanin ang mga panganib sa kapaligiran, at ang mga nararapat na hakbang na dapat gawin bago, habang, at pagkatapos ng isang kalamidad gaya ng lindol, baha, at sunog.

Isa sa mga pangunahing tinalakay ay ang paggawa ng Family Emergency Plan, kung saan itinuro sa mga estudyante ang kahalagahan ng pagkakaroon ng konkretong plano para sa kanilang pamilya. Kabilang sa planong ito ang pagtukoy ng lugar ng tagpuan sakaling magkahiwalay sa oras ng sakuna, ang mga mahahalagang bagay na dapat dalhin, at ang mga numerong dapat tandaan o tawagan sa oras ng emergency.

Ayon sa MDRRMO, mahalagang mapalawak ang kaalaman ng kabataan ukol sa disaster preparedness upang sila ay maging bahagi ng mas ligtas at mas matatag na komunidad.

Inaasahan na ang ganitong uri ng mga aktibidad ay magbibigay ng sapat na kaalaman at kasanayan sa mga mag-aaral upang sila ay maging handa at responsable sa panahon ng sakuna.

Source: Palawan Island Network

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *