Sa pagsisimula ng buwan ng Hulyo, muling ipinamalas ng Pamahalaang Bayan ng San Mateo, Rizal ang malasakit para sa mga alagang hayop at kanilang mga tagapag-alaga sa isinagawang libreng anti-rabies vaccination sa mga barangay ng Guitnang Bayan II at Dulong Bayan II, San Mateo Rizal noong Hulyo 8, 2025.

Sa pagtutulungan ng Municipal Agriculture Office at ng Animal Welfare Office, matagumpay na nabakunahan ang mahigit 700 alagang aso at pusa.

Ang inisyatibong ito ay bahagi ng patuloy na kampanya ng lokal na pamahalaan para labanan ang banta ng rabies, isang malubhang sakit na maaaring maipasa mula hayop patungong tao.

Layunin ng programang ito na palaganapin ang kamalayan sa kahalagahan ng responsableng pag-aalaga ng hayop.

Ayon sa Municipal Agriculture Office, ang pagbabakuna laban sa rabies ay hindi lamang para sa kaligtasan ng mga alaga kundi maging sa kapakanan ng buong komunidad.

Pinaalalahanan din ang publiko na maging aktibo sa ganitong mga kampanya, upang matiyak ang malusog at ligtas na pamayanan.

Sa simpleng hakbang na ito, malaki ang naitutulong upang maiwasan ang pagkalat ng rabies at mapangalagaan ang ating mga minamahal na furbabies.

Ang Bayan ng San Mateo ay patuloy na nagbibigay ng mga programang may malasakit, hindi lamang para sa tao kundi pati na rin sa mga hayop na bahagi na ng ating pamilya.

Source: San Mateo Rizal Public Information Office FB Page

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *