Patuloy na isinusulong ng pamahalaang bayan ng Gloria ang layunin nitong mapadali ang transportasyon ng mga produktong agrikultural mula sa mga liblib na barangay patungo sa mga pampublikong pamilihan sa pamamagitan ng planong pagsesemento ng mga Farm-to-Market Roads (FMRs).

Kabuuang 26 na panukalang proyekto ng FMR ang isinailalim sa validation ng Local Government Unit (LGU) ng Gloria katuwang ang Regional Agricultural Engineering Division ng Department of Agriculture upang matukoy ang feasibility ng mga iminungkahing proyekto at masuri ang magiging ambag nito sa sektor ng agrikultura ng bayan.

Ayon sa LGU, layunin ng mga proyektong ito na mapabilis ang pagdadala ng mga ani ng mga magsasaka, mabawasan ang gastos sa transportasyon, at mapalakas ang kabuhayan ng mga agricultural producers sa iba’t ibang barangay.

Nauna nang binigyang-diin ni Ferdinand R. Marcos Jr. ang kahalagahan ng pagsasaayos at pagbibigay-prayoridad sa mga kalsadang pangunahing dinaraanan ng mga produktong agrikultural.

“For example, roads that are heavily used that are not in good condition pero ang daming dumadaan na produkto ay ayusin natin. To prioritize our farmers, we’ve decided not to lower tariffs and instead develop or repair crucial farm-to-market roads where needed,” ani Pangulong Marcos.

Isinagawa ang validation activities sa loob ng apat na araw sa iba’t ibang barangay ng bayan ng Gloria bilang bahagi ng masusing pag-aaral para sa implementasyon ng mga iminungkahing proyekto.

Source: PIA MIMAROPA

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *