TAGAYTAY CITY, Cavite — Pinarangalan ng Department of Labor and Employment (DOLE) Calabarzon ang mga natatanging industriya, indibidwal, at benepisyaryo na nagsikap na mapaunlad ang kanilang negosyo at kabuhayan sa pamamagitan ng mga programa ng kagawaran sa rehiyon noong Huwebes, Setyembre 17, sa Hotel Casiana, Tagaytay City, Cavite.

Isinagawa ang pagkilala sa temang, “Kabuhayang Matatag, Mamamayang Umaangat, Sama-samang Pagkilos Tungo sa Bagong Pilipinas.” Binigyang-diin ni DOLE Calabarzon Regional Director Atty. Erwin Aquino na sa pamamagitan ng sipag, tiyaga, at tamang suporta mula sa pamahalaan, nagiging daan ang mga programang pangkabuhayan tungo sa mas matatag na buhay at mas maunlad na mga komunidad.
Kabilang sa mga kinilala ang mga indibidwal at organisasyong nagsilbing inspirasyon sa pagsusulong ng produktibong kabuhayan, pagpapaunlad ng negosyo, at paglikha ng mas matatag na oportunidad para sa mga manggagawa at kanilang pamilya.

Patuloy na isinusulong ng DOLE Calabarzon ang mga programa at oportunidad na naglalayong palakasin ang kakayahan ng mga manggagawa at benepisyaryo, makapagbigay ng disenteng pagkakakitaan, at makatulong sa patuloy na pag-unlad ng ekonomiya at mga komunidad sa rehiyon.