Umabot na sa 48,256 bata sa Oriental Mindoro ang nabakunahan laban sa measles-rubella o tigdas at tigdas-hangin, katumbas ng 83.11 porsyento ng aktuwal na target na populasyon, hanggang Setyembre 1.
Ayon sa Provincial Department of Health Office (PDOHO), nagpapatuloy ang Measles-Rubella Supplemental Immunization Activity (MR-SIA) at pamamahagi ng Vitamin A hanggang Setyembre 4 upang maabot ang mas maraming bata, lalo na sa mga malalayong barangay.
Pinangunahan ng Bulalacao ang mga bayan sa vaccination accomplishment na may 110.19 porsyento, sinundan ng Naujan (93.90%) at Roxas (90.02%).
Hinimok naman ng PDOHO ang mga magulang at tagapag-alaga na makipag-ugnayan sa kanilang local health offices at barangay health workers upang mabakunahan ang mga batang sakop ng programa.
Source: PIA MIMAROPA