Matagumpay na isinagawa ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang “Kayang-Kaya Sumakses” Caravan sa lungsod ng Biñan noong Lunes, Marso 23, bilang bahagi ng patuloy nitong kampanya na ilapit ang teknikal at bokasyonal na edukasyon sa mas maraming Pilipino.

Personal na dinaluhan at binisita ni TESDA Deputy Director General for Administration and Innovation Galo Glino III ang nasabing caravan, kasama sina TESDA Calabarzon Regional Director Jovencio Ferrer Jr., TESDA Laguna Provincial Director Zoraida Amper, at iba pang opisyal ng ahensya. Ipinakita ng kanilang presensya ang matibay na suporta ng TESDA sa pagpapalawak ng access sa mga programang pangkabuhayan at kasanayan sa rehiyon.

Tampok sa caravan ang iba’t ibang libreng serbisyo tulad ng skills training, scholarship opportunities, assessment at certification, pati na rin ang mga produktong gawa ng mga TVET learners at exhibitors mula sa CALABARZON. Layunin nitong ipakilala at palakasin ang kakayahan ng mga Pilipino upang maging handa sa iba’t ibang industriya sa pamamagitan ng dekalidad na pagsasanay.

Ayon sa TESDA, ang “Kayang-Kaya Sumakses” Caravan ay bahagi ng kanilang mas malawak na inisyatibo na gawing mas accessible ang kanilang mga programa, lalo na sa mga nagnanais matuto ng bagong kasanayan o mapahusay ang kanilang kakayahan para sa mas maayos na kabuhayan.

Inaasahan na magpapatuloy ang pag-iikot ng caravan sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon upang mas marami pang komunidad ang makinabang sa mga serbisyong iniaalok ng TESDA.

Source: PIA Laguna

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *