ODIONGAN, Romblon — Hinimok ng mga opisyal ng ERPAT-MOVE (Empowerment and Reaffirmation of Paternal Abilities – Men Opposed to Violence Everywhere) sa bayan ng Odiongan ang mga kalalakihan na isabuhay ang responsableng pagiging ama at tumulong sa pagpigil ng karahasan sa loob ng tahanan.
Sa Kapihan sa PIA Romblon, binigyang-diin ni William Forcadas, kalihim ng ERPAT-MOVE Odiongan, ang mahalagang papel ng mga ama bilang huwaran ng kanilang mga anak. Aniya, kailangang maturuan ang mga kalalakihan ng wastong pagpapahalaga, lalo na sa pag-inom ng alak, dahil ang kanilang asal ay ginagaya ng mga bata at maaaring makaapekto sa kanilang kinabukasan.
Samantala, ibinahagi ni Efren Astejada, ingat-yaman ng grupo, ang kanyang karanasan sa pagtalikod sa labis na pag-inom at ang positibong epekto nito sa kanilang pamilya. Hinikayat niya ang mga ama na iwasan ang bisyo o isagawa ito nang may disiplina, kasabay ng pagbibigay-diin na ang tunay na pagiging lalaki ay nasusukat sa paggalang sa kababaihan at sa maayos na pagganap sa tungkulin bilang haligi ng tahanan.
Patuloy naman ang kampanya ng ERPAT-MOVE sa Romblon upang hikayatin ang mas maraming kalalakihan na maging responsable, maalaga, at may malasakit na mga ama—isang mahalagang hakbang tungo sa pagbuo ng ligtas at matatag na komunidad.
Source: PIA Romblon