IBAAN, BATANGAS — Umabot sa kabuuang 2,153 katao sa bayan ng Ibaan ang nakinabang sa pamamahagi ng bigas sa ilalim ng Bagong Pilipinas Rice Program noong Abril 29.

Sa nasabing bilang, 1,427 ang mga residenteng mula sa 26 barangay ng bayan, habang 726 naman ang mga kawani ng Department of Education (DepEd) at Philippine National Police (PNP). Ang pamamahagi ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng pamahalaan na matugunan ang pangangailangan ng mamamayan, lalo na sa gitna ng tumataas na presyo ng langis at iba pang pangunahing bilihin.

Ayon sa lokal na pamahalaan ng Ibaan, ang pondong ginamit para sa programa ay nagmula sa Local Government Support Fund ng pamahalaang nasyunal. Layunin ng Bagong Pilipinas Rice Program na suportahan ang mga pamilya at kilalanin ang mahalagang papel ng mga barangay functionary sa mas mabilis at epektibong paghahatid ng mga serbisyo ng pamahalaan sa bawat komunidad.
Source: PIA CALABARZON