Mahigpit na pinaaalalahanan ng lokal na pamahalaan ng Tingloy ang lahat ng accommodation establishments sa isla na tiyaking makapag-check-out ang kanilang mga bisita bago o pagsapit ng alas-dose ng tanghali. Layunin ng naturang patakaran na matiyak na makakaabot ang mga turista sa kanilang nakatakdang biyahe palabas ng isla at maiwasan ang anumang insidente ng pagka-stranded.
Bilang bahagi ng pagpapatupad, inaatasan ang mga establisyimento na magtala ng oras ng check-in at check-out ng kanilang mga bisita na may kaukulang pirma, gayundin ang malinaw na pagpapaskil ng iskedyul ng huling biyahe sa Tingloy Port. Sa ganitong paraan, mas magiging organisado ang paggalaw ng mga turista at operasyon sa isla.
Nagbabala ang LGU na maaaring ipatawag at papanagutin ang mga accommodation na magkakaroon ng stranded na bisita. Maaari ring ipabalik sa kanilang pinanggalingang establisyimento ang mga hindi nakaabot sa last trip, dahil hindi pinapayagan ang magpalipas ng gabi sa paligid ng pantalan. Hinihikayat ang kooperasyon ng lahat upang matiyak ang maayos at ligtas na turismo sa Tingloy.
Source: Batangas News