Isang Bicolanong guro ang pinarangalan ng Outstanding Educator Award sa Estados Unidos bilang pagkilala sa kanyang dedikasyon sa pagsusulong ng inclusive education. Si Ranell Engay, tubong Sorsogon, ay kasalukuyang nagtuturo ng Agham sa Rosebud School District sa Montana, kung saan aktibo niyang isinusulong ang pantay na oportunidad sa edukasyon para sa lahat ng mag-aaral.
Ang prestihiyosong parangal ay iginawad ng Division for Learning Disabilities of the Council for Exceptional Children (CEC-DLD), isang organisasyong nakatuon sa pagtataguyod ng dekalidad na edukasyon para sa mga mag-aaral na may learning disabilities. Kinilala si Engay sa kanyang pagsisikap na maisama ang mga mag-aaral na may espesyal na pangangailangan sa regular na klase, upang matiyak na walang naiiwan sa proseso ng pagkatuto.
Sa panayam, ibinahagi ni Engay na bagamat may mga hamon sa pagtuturo ng mga estudyanteng may iba’t ibang pangangailangan at sa pag-aadjust sa bagong kultura, nananatili itong makabuluhan at rewarding para sa kanya. Aniya, naniniwala siyang ang edukasyon ay para sa lahat, anuman ang kakayahan o pinanggalingan ng isang mag-aaral.
Bago magturo sa Estados Unidos, nagsilbi si Engay bilang guro sa Bagacay National High School. Ilang beses din siyang sumubok na makapagtrabaho abroad—noong 2018 at 2019—bago tuluyang matanggap noong 2021. Ang kanyang tagumpay ay patunay ng tiyaga at dedikasyon, at nagsisilbing inspirasyon sa kapwa guro na patuloy na magsulong ng inklusibong edukasyon.
Source: Bombo Radyo Legazpi