Nanumpa sa tungkulin ang 13 bagong promoted at permanenteng empleyado ng Pamahalaang Panlalawigan ng Oriental Mindoro noong Martes, ika-17 ng Marso 2026.
Pinangunahan ni Gobernador Humerlito “Bonz” Dolor ang seremonya at binigyang-diin ang bigat ng responsibilidad na kaakibat ng kanilang mga bagong posisyon. Aniya, ang promosyon ay hindi lamang pag-angat sa trabaho kundi isang panata ng tapat at maayos na paglilingkod sa publiko.

Hinimok ng gobernador ang mga kawani na manatiling matino, mabuting lingkod-bayan, may takot sa Diyos, at may integridad sa kanilang tungkulin. Ipinaalala rin niya na sa bawat dokumentong kanilang pipirmahan at serbisyong kanilang ibibigay, ang mamamayan—ang bawat Mindoreño—ang tunay na “boss” na dapat paglingkuran.
Ang panunumpang ito ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng pamahalaang panlalawigan na mapalakas ang serbisyong publiko sa pamamagitan ng mga kawani na may malasakit at pananagutan sa mamamayan.
Source: Balitang Mindoro