Mahigit 900 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P10 bilyon ang nasamsam ng mga awtoridad sa isinagawang operasyon sa karagatan ng Paluan, Occidental Mindoro.

Inihayag ni Interior Secretary Juanito Victor “Jonvic” Remulla ang pagkakasabat sa isinagawang press briefing noong Marso 13 sa tanggapan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Regional Headquarters sa Calapan City.

Ayon sa mga awtoridad, narekober ng mga sundalo ng Philippine Army 76th Infantry Battalion ang ilegal na droga mula sa isang speedboat na sumadsad sa Sitio Agbalite, Barangay Harrison sa Paluan noong Marso 10.

Apat na suspek ang naaresto kaugnay ng insidente, kabilang ang dalawang Chinese national na pinaniniwalaang miyembro ng isang drug syndicate at dalawang Pilipino na umano’y tumulong sa pagdadala ng ilegal na kargamento.

Batay sa paunang imbestigasyon, halos isang taon nang umano’y nagsasagawa ng operasyon ang grupo gamit ang mga rutang pandagat upang makapagpasok ng ilegal na droga sa bansa.

Binigyang-diin ni Remulla ang kahalagahan ng whole-of-nation approach sa paglaban sa ilegal na droga sa pamamagitan ng mahigpit na koordinasyon ng PDEA, Philippine National Police, Philippine Army, at Philippine Coast Guard.

Dagdag pa niya, plano ng pamahalaan na palakasin ang kampanya kontra ilegal na droga sa pamamagitan ng paggamit ng makabagong teknolohiya tulad ng long-range drones, digital forensics, at artificial intelligence upang mapahusay ang monitoring at imbestigasyon laban sa mga drug syndicate.

Source: PIA MIMAROPA

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *