Hindi lahat ng bayani ay umuuwi nang walang sugat. Minsan, ang kanilang tapang ay may kapalit na dugo, sakit, at pangambang baka hindi na nila maibalik sa dati ang isang bahagi ng kanilang katawan.

Sa lahat, mabilis lamang magsabi na trabaho na pulis ang pagpapanatili ng kapayapaan. Sa bawat problema sa komunidad agad na tutugon ang alagad ng batas.

Ang mga tauhan ng San Jose Municipal Police Station ay tumugon sa isang ulat tungkol sa isang armadong indibidwal na nagdulot ng takot at pangamba sa mamamayan sa Zone 1, Barangay Calalahan, San Jose, Camarines Sur nito lamang Sabado, Agosto 22, 2026.

Kabilang sa mga rumesponde si Police Staff Sergeant (PSSg) Noli M. Miraña, na sa halip na dahas ay unang pinili ang pakikipag-usap at pagpapakalma sa sitwasyon.

Sa gitna ng tensyon, sinubukan nilang unawain at pakalmahin ang suspek na pinaniniwalaang nakararanas ng krisis sa kalusugang pangkaisipan. Ngunit sa isang iglap, nagbago ang lahat.

Biglang sumugod ang suspek at natumba si PSSg Miraña. Gamit ang bolo, inatake siya nito at nagtamo siya ng malubhang pinsala sa kanyang kaliwang kamay na dahilan sa pagkaputol nito at sugar sa mukha.

Sa mga sandaling iyon, ang sakit ay hindi lamang pisikal. Bilang isang pulis, alam niyang ang bawat segundo ay maaaring mangahulugan ng buhay o kamatayan—hindi lamang para sa kanya kundi maging sa kanyang mga kasamahan at sa mga taong nasa paligid.

Agad na kumilos ang kanyang mga kasamahang pulis upang pigilan ang pag-atake at iligtas siya. Sa kanilang mabilis na pagtugon, napigilan ang patuloy na banta at na-neutralize ang suspek.
Parehong isinugod sa ospital si PSSg Miraña at ang suspek para sa agarang medikal na atenayon. Kalaunan, inilipat si PSSg Miraña sa Bicol Medical Center para sa karagdagang gamutan.

Ang pagkaputol sa kanyang kamay at sugat sa mukha ay maaaring maging bakas ng isang masakit na pangyayari, ngunit higit pa rito, nagsisilbi itong paalala sa sakripisyong kaakibat ng pagsusuot ng uniporme.

Sa likod ng bawat pulis ay isang taong may pamilya, pangarap, at mga mahal sa buhay na naghihintay sa kanilang ligtas na pag-uwi. Ngunit sa oras na tawagin ng tungkulin, isinantabi nila ang sariling pangamba upang harapin ang panganib para sa kapakanan ng iba.

Ang nangyari kay PSSg Miraña ay patunay na ang tunay na tapang ay hindi kawalan ng takot. Ito ay ang pagpiling gawin ang tama kahit alam mong maaari kang masaktan.

Isang pulis na naman ang nasugatan habang ginagampanan ang kanyang sinumpaang tungkulin. Ngunit sa kanyang sakripisyo, muling nakita ang tunay na diwa ng serbisyo—ang pagprotekta sa buhay, ang pagtitimpi sa gitna ng panganib, at ang kahandaang magsakripisyo para sa kapwa.

Sa bawat sugat na kanyang natamo, naroon ang kuwento ng isang lingkod-bayan na hindi umatras sa tawag ng tungkulin.

Isang pulis. Isang sakripisyo. Isang buhay na handang ipagsanggalang ang iba.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *