Pinakikilos ng Philippine National Police (PNP) ang lahat ng magagamit nitong yunit at kagamitan upang magbigay ng agarang tulong at seguridad sa mga komunidad na apektado ng patuloy na aktibidad ng Kanlaon Volcano.
Ayon kay Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., pinuno ng PNP, iniutos niya ang pag-activate ng mga hazard response teams ng pulisya upang matiyak ang kaligtasan ng ating mga kababayan.
“Ipinag-utos ko ang pag-activate ng ating mga hazard response teams upang masiguro ang kaligtasan ng ating mga kababayan sa gitna ng patuloy na aktibidad ng Bulkang Kanlaon,” pahayag ni Nartatez nitong Martes.
Batay sa ulat ng mga state volcanologist, nakapagtala ng limang volcanic earthquakes at pagbuga ng tinatayang 2,880 tonelada ng sulfur dioxide sa loob lamang ng isang araw. Dahil dito, umabot sa mahigit 133 barangay sa Negros Island Region (NIR) ang nabalutan ng ashfall.
Nananatili sa Alert Level 2 ang Bulkang Kanlaon. Mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng apat na kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ) dahil sa patuloy na banta ng aktibidad ng bulkan.
Nakikipag-ugnayan ang PNP sa mga lokal na pamahalaan upang ipatupad ang mga hakbang na pang-iwas at pigilan ang mga residente sa pagpasok sa mga high-risk areas. Inatasan ang mga pulis na tumulong sa pagpapanatili ng kaayusan, seguridad, at pagsuporta sa mga operasyon ng paglikas at pamamahagi ng ayuda kung kinakailangan.
Dagdag pa ni Nartatez, nakahanda rin ang mga pulis mula sa karatig-lugar sakaling mangailangan ng karagdagang puwersa at suporta.
Hinihikayat ng PNP ang publiko na manatiling mapagmatyag at mahigpit na sundin ang mga abiso at tagubilin ng lokal na pamahalaan para sa kanilang kaligtasan.
Source: Philippine News Agency