Napanatili ng Philippine National Police (PNP) ang kaayusan at seguridad sa mga pagtitipon at iba pang aktibidad na isinagawa sa iba’t ibang bahagi ng bansa kaugnay ng ika-54 na anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law noong Setyembre 21, 2026.

Ayon sa PNP, minonitor ng mga police unit sa buong bansa ang mga aktibidad at nagtalaga ng naaangkop na police presence upang matiyak ang kaligtasan ng publiko habang iginagalang ang karapatan ng mga mamamayan sa mapayapang pagtitipon at pagpapahayag ng kanilang pananaw.

Sa National Capital Region (NCR), 14 na rally at assembly ang na-monitor ng pulisya na tinatayang nilahukan ng 1,620 katao. Ayon sa PNP, nanatiling mapayapa ang mga naturang pagtitipon, gayundin ang mga katulad na aktibidad na isinagawa sa iba pang rehiyon.

Sa pamumuno ni PNP Chief PGen. Jose Melencio C. Nartatez Jr., ipinatupad ng mga police unit ang naaangkop na security measures at maximum tolerance upang mapanatili ang kaayusan, maprotektahan ang publiko, at matugunan ang mga posibleng safety concerns sa mga lugar na pinagdarausan ng aktibidad.

Binigyang-diin ni PGen. Nartatez na bahagi ng responsibilidad ng PNP ang pagpapanatili ng mapayapang sitwasyon habang tinitiyak na nirerespeto ang karapatan ng mga mamamayan.

“Our responsibility is to keep the situation peaceful while making sure people’s rights are respected. We recognize that peaceful assembly is part of a democratic society. Ang mahalaga, napangasiwaan natin ang mga pagtitipon nang maayos, may paggalang sa karapatan ng bawat isa, at may malasakit sa kaligtasan ng publiko,” pahayag ni CPNP Nartatez.

Pinuri rin ng PNP Chief ang mga police personnel na itinalaga sa mga aktibidad dahil sa kanilang dedikasyon, disiplina, at propesyonalismo sa pagtupad ng tungkulin.

“Alam kong hindi madali ang inyong tungkulin sa ganitong mga pagkakataon, kaya kinikilala ko ang inyong sakripisyo at dedikasyon. Saludo ako sa inyong serbisyo at sa paraan ninyo ng pagtupad sa trabaho nang may respeto sa ating mga kababayan,” dagdag niya.

Isinagawa ang police operations bilang bahagi ng PNP Focused Agenda, partikular ang Enhanced Managing Police Operations (EMPO), na nakatuon sa mas maayos, maagap, at propesyonal na pagpapatupad ng police operations para sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan.

Kaugnay din ito ng adbokasiya ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *