Nagsanib-puwersa ang iba’t ibang volunteer group at ang pamahalaang lungsod ng Cavite sa paglilinis at pagpapanumbalik ng ilang vandalized na historical markers bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Arts Month.
Noong Pebrero 27, nagsagawa ng cleanup at restoration activity sa Samonte Park ang mga volunteer mula sa Cavite Historical Society, Cavite State University, Kabataang Kabitenyo, at Temple Street Primera Familia.
Pinangunahan ng City Tourism Office, kasama ang Manileños for Heritage Group, ang aktibidad na naglalayong linisin at ibalik sa maayos na kalagayan ang mahahalagang historical markers kabilang ang 1872 Cavite Mutiny marker, Capital Marker, at ang façade at marker ng Ermita de Porta Vaga.
Ayon sa pamahalaang lungsod, bibigyang-prayoridad ang pagpapanumbalik ng replica monument at marker ng Ermita de Porta Vaga matapos itong paulit-ulit na mabiktima ng vandalism sa nakalipas na taon.
Muling pinagtibay ng mga volunteer at lokal na pamahalaan ang kanilang suporta sa pangangalaga at pagpapanatili ng mga makasaysayang pook ng Cavite City bilang duyan ng mga rebolusyonaryong bayani at martir.
Source: PIA-CALABARZON