Tiniyak ng pamahalaan na nakahanda itong magsagawa ng posibleng malawakang paglikas ng mga Pilipino sa Gitnang Silangan sakaling lumala ang sitwasyon sa rehiyon. Ayon kay Erwin Tulfo, umabot na sa 1,416 na Pilipino ang humiling ng repatriation, at may nakalaan nang sapat na pondo at nakahandang mga ahensya upang tugunan ang kanilang pangangailangan.
Sinabi ng senador na nauna nang dinagdagan ng Senado ang pondo ng Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) bilang paghahanda sa anumang posibleng paglala ng tensyon sa rehiyon. Aniya, nadagdagan ng PHP1.3 bilyon ang pondo ng DMW—kung saan PHP800 milyon ang inilaan para sa Office of the Secretary at PHP500 milyon para sa OWWA. Iginiit din niya na mali ang mga pahayag na hindi handa ang pamahalaan at binigyang-diin na nakaantabay ang mga kaukulang ahensya para sa agarang aksyon.
Batay sa pinakahuling ulat ng Department of Foreign Affairs (DFA), kabilang sa mga humiling ng repatriation ang 10 Pilipino mula sa Iran, 297 mula sa Israel, 22 mula sa Jordan, 231 mula sa Bahrain, 586 mula sa Dubai, at 270 mula sa Abu Dhabi. Bagama’t pansamantalang naaapektuhan ang evacuation efforts dahil sa pagsasara ng ilang airspace sa rehiyon, inaasahang magpapatuloy ang mga flight mula Abu Dhabi patungong Maynila, at handa ang Emirates Airlines na tumanggap ng mga uuwi na overseas Filipino workers.
Dagdag pa ni Tulfo, mula pa noong Linggo ay regular siyang nakakatanggap ng briefing mula sa DFA, kabilang ang mga update mula kay Secretary Tess Lazaro tuwing umaga at hapon. Patuloy ang koordinasyon ng pamahalaan upang matiyak ang ligtas, maayos, at napapanahong pagbabalik ng mga Pilipinong nais nang umuwi sa bansa.
Source: Philppine News Agency