NAGA CITY, Camarines Sur — Iniutos ni Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagpapabilis ng relokasyon ng mga pamilyang naninirahan sa mga itinalagang no-build zones sa Naga City bilang bahagi ng pinaigting na kampanya ng pamahalaan laban sa pagbaha sa ilalim ng Oplan Kontra Baha.
Ayon kay Naga City Mayor Leni Robredo, inatasan ng Pangulo ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), sa pamumuno ni Secretary Jose Ramon Aliling, na agarang ilipat ang mga komunidad na matatagpuan sa mga delikadong lugar.
“Sa mga no-build zones, hindi dapat may naninirahan dahil lalo lamang nitong pinapalala ang problema sa pagbaha,” ani Robredo.
Kasunod ito ng matinding pagbaha sa ilang mababang lugar sa lungsod, kabilang ang Barangay Concepcion Pequeña, na labis na naapektuhan noong Super Typhoon Kristine noong 2024. Ibinahagi ng ilang residente ang kanilang karanasan kung saan halos umabot sa ulo ang baha at kinailangang paulit-ulit na lumikas.

Nagpahayag naman ng pasasalamat ang mga opisyal ng barangay sa pagbisita ng Pangulo at umasa na maisasakatuparan ang relokasyon ng mga pamilyang nakatira malapit sa creek, kasabay ng patuloy na paglilinis, dredging, at rehabilitasyon ng mga ilog sa lugar.
Inamin ni Robredo na dahil sa lokasyon at elevation ng Naga City, posible pa ring makaranas ng pagbaha. Gayunman, aniya, mas mabilis nang huhupa ang tubig dahil nalinis na ang mga baradong daluyan ng tubig sa tulong ng mga kagamitang ipinadala ng pambansang pamahalaan.
Layunin ng Oplan Kontra Baha ng administrasyong Marcos na palakasin ang kahandaan sa sakuna, mabawasan ang panganib ng pagbaha, at matiyak ang mas ligtas na tirahan para sa mga komunidad lalo na bago ang susunod na tag-ulan.
Source: PIA Bicol