Upang palalimin ang pag-unawa ng mga ama at lalaking miyembro ng pamilya sa mga isyu ng kasarian, limampung (50) kalalakihan mula sa iba’t ibang barangay ng Lagonoy, Camarines Sur ang lumahok sa kauna-unahang Gender Sensitivity Training para sa mga lalaking benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) nito lamang Setyembre 6, 2025.
Ang mga kalahok ay maingat na pinili mula sa tatlumpu’t walong (38) barangay ng bayan.
Ang programa ay naisakatuparan sa pangunguna ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office V – Bicol Region sa pamumuno ni Regional Director Norman S. Laurio sa tulong ng Local Government Unit (LGU) ng Lagonoy, katuwang ang Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO).
Tinalakay sa naturang pagtitipon ang kahalagahan ng pagkilala at pagrespeto sa papel ng bawat kasarian, hindi bilang hadlang kundi bilang katuwang sa pag-unlad ng pamilya at komunidad.
Ang Gender Sensitivity Training ay isang mahalagang hakbang upang baguhin ang makalumang pananaw tungkol sa papel ng lalaki sa lipunan at mahikayat silang maging mas makatao, may malasakit, at may pantay na pagtingin sa bawat miyembro ng pamilya, babae man o lalaki.
Bilang simbolikong pasasalamat sa aktibong pakikilahok ng mga benepisyaryo, namahagi ang LGU Lagonoy ng tig-limang (5) kilong bigas sa bawat benepisyaryo.
Source: DSWD Field Office V