Pormal nang sinimulan ngayong Setyembre 1, 2025 ang pagdiriwang ng 125th Philippine Civil Service Anniversary sa lalawigan ng Palawan sa pamamagitan ng makulay na parada at programa na ginanap sa harap ng Kapitolyo.
Ang taunang selebrasyon ay may temang “Bawat Kawani, Lingkod Bayani: Puso, Dangal, at Galing Para sa Bayan”, na nagbibigay-pugay sa sakripisyo at dedikasyon ng mga kawani ng pamahalaan sa buong bansa.

Pinangunahan ang pagbubukas ng pagdiriwang nina Amy Roa Alvarez, Gobernador, Leoncio Ola, Bise Gobernador at Marietta P. Santos, CSC Field Office Palawan Director kasama ang mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan na sina Board Members Juan Antonio Alvarez, Cherry Pie Acosta, Ariston Arzaga, Rafael Ortega Jr., at Marivic Roxas. Nakiisa rin sa aktibidad si Provincial Administrator Jefrie R. Sahagun, kasama ang mga department head at empleyado ng Kapitolyo.

Bilang simbolo ng pagkakaisa at masiglang partisipasyon, hinati sa apat na koponan ang mga kawani ng pamahalaan: Team Green, Team Yellow, Team Pink, at Team Red. Bawat koponan ay nagpakita ng kani-kanilang galing at sigla sa parada at mga aktibidad ng araw.
Ang selebrasyon ay hindi lamang isang kasayahan kundi isang pagkakataong ipakita ang pinagsama-samang lakas, puso, at dangal ng bawat lingkod bayan. Inaasahang magpapatuloy ang iba’t ibang aktibidad at programa na inihanda ng Pamahalaang Panlalawigan sa buong buwan ng Setyembre bilang bahagi ng CSC Anniversary.
Ang taunang pagdiriwang ay paalala ng mahalagang papel ng mga civil servant sa pagtataguyod ng maayos, tapat, at makataong serbisyo para sa mga mamamayan ng Palawan at ng buong bansa.
Source: Palawan Island Network