Isang makabuluhang selebrasyon ng Buwan ng Wikang Pambansa ang matagumpay na idinaos ng Linao Elementary School sa Barangay Linao, Calatrava, Romblon noong Agosto 29, 2025. Sa temang “Paglinang sa Filipino at Katutubong Wika: Makasaysayan sa Pagkakaisa ng Bansa,”naging sentro ng pagdiriwang ang pagpapayabong ng pambansang wika at pagkilala sa mga katutubong wika bilang haligi ng pagkakaisa ng sambayanang Pilipino.
Buong puso itong sinuportahan ni Hon. Bong M. Fabella, Punong Bayan ng Calatrava, na personal na dumalo sa programa bilang patunay ng kanyang suporta sa edukasyon at sa pagpapanatili ng ating pambansang identidad. Ang kanyang presensya ay nagsilbing inspirasyon sa buong komunidad ng paaralan.

Kabilang sa mga tampok ng selebrasyon ang mga makukulay na pagtatanghal mula sa mga mag-aaral, guro, at magulang. Tampok dito ang mga paligsahan sa pag-awit, pagsayaw, at pagluluto ng mga tradisyunal na pagkaing Pilipino. Ang bawat aktibidad ay layong ipakita ang kahalagahan ng wikang Filipino at mga katutubong wika bilang salamin ng ating kasaysayan, kultura, at pagkakakilanlan.
Hindi lamang ito isang simpleng pagdiriwang, kundi isang makasaysayang pagpupugay sa wikang sarili—isang paalala na ang wika ang nagsisilbing tulay sa pagkakaisa at pag-unlad ng bayan.
Sa pagtatapos ng programa, dama ang diwa ng pagkakabuklod at pagmamalaki sa pagiging Pilipino. Tunay na naging inspirasyon ito sa bawat isa na ipagpatuloy ang paggamit, paglinang, at pagmamahal sa sariling wika at kultura.
Source: Calatrava Romblon