Masayang nakihalubilo ang mga Palaweño sa tatlong araw na libreng serbisyong medikal na isinagawa sa Northern Palawan Provincial Hospital (NPPH) sa bayan ng Taytay noong ika-21 hanggang ika-23 ng Agosto, 2025.
Ang tatlong araw na surgical mission ay isinagawa ng Pamahalaang Panlalawigan sa pangunguna ni Amy R. Alvarez,Gobernadora, katuwang ang Sui Generis Mission at Pinoy Workers Partylist, bilang bahagi ng patuloy na adbokasiya ng pamahalaan sa pagbibigay ng libre at de-kalidad na serbisyong pangkalusugan sa mga mamamayan.

Libreng konsultasyon at mga minor hanggang major surgical procedures ang isinagawa ng mga volunteer doctors at medical staff mula sa iba’t ibang panig ng bansa, na nagbigay ng malaking ginhawa sa mga residente ng Taytay at mga karatig-bayan.
Ayon kay Gov. Alvarez, patuloy niyang isinusulong ang pagpapabuti ng serbisyong pangkalusugan sa buong lalawigan, kabilang na ang modernisasyon ng mga pasilidad at pagdadala ng mga serbisyo sa mga liblib na lugar.
Ang matagumpay na aktibidad ay naging daan upang magsama-sama ang mga lider, medical professionals, volunteers, at mamamayan sa iisang layunin — ang mas maayos na kalusugan para sa bawat Palaweño.
Source: Palawan Island Network