Isang makasaysayang hakbang ang isinagawa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Romblon, sa pangunguna ni Gobernadora Trina Alejandra Firmalo-Fabic, sa Marble Roadmap Turnover Ceremony noong Agosto 21, 2025 sa Horizon Hotel, Romblon, Romblon.
Ipinamalas ng lokal na pamahalaan ang buong suporta sa proyektong inisyatibo ng Department of Science and Technology (DOST) na layong patatagin at paunlarin ang industriya ng marmol sa lalawigan. Ayon kay Gov. Fabic, ang roadmap ay magsisilbing gabay upang matiyak ang tamang paggamit ng likas na yaman at ang pangmatagalang direksyon ng sektor ng marmol.
Sa kanyang keynote message, binigyang-diin ni DOST Secretary Dr. Renato U. Solidum Jr. ang kahalagahan ng roadmapping bilang pundasyon sa pagpapanatili ng kabuhayan, kalikasan, at kultura. Ibinahagi rin niya ang mga proyektong naipatupad ng ahensya na nakatulong sa iba’t ibang isla ng Romblon, partikular sa larangan ng teknolohiya at kabuhayan.

Pinuri ni DOST Usec. Sancho A. Mabborang ang husay at galing ng mga artisan ng Romblon at binigyang-diin ang kahalagahan ng paghahanda ng industriya upang makasabay sa pandaigdigang kompetisyon.
Kasama sa mga tampok na bahagi ng programa ang panunumpa ng mga kasapi ng Romblon Marble Industry, paglagda sa Pledge of Commitment, at ang inspirational message ni DOST Asst. Secretary Maria Theresa De Guzman. Tampok din ang ribbon cutting ng DOST-funded E-trike for Commercialization na binuo ng Cagayan State University, bilang simbolo ng inobasyon at modernong teknolohiya para sa industriya. Ang proyekto ay suportado ng iba’t ibang ahensya tulad ng DTI, DOLE, DENR-EMB, TESDA, RSU, Land Bank, at mga kooperatiba at artisan mula sa lalawigan.
Ang Marble Roadmap ay hindi lamang simpleng plano—ito ay isang konkretong hakbang tungo sa mas matibay at mas makabagong industriya ng marmol sa Romblon. Sa pamamagitan ng pagtutulungan ng pamahalaan, mga institusyon, at mamamayan, layunin nitong iangat ang marmol ng Romblon sa pandaigdigang merkado habang pinangangalagaan ang kalikasan, sining, at kabuhayan ng bawat Romblomanon.
Source: Romblon Provincial Information Office