Muling isinagawa noong Agosto 18, 2025 ang regular na People’s Day sa bayan ng Angono, sa pangunguna ni Mayor Gerry Calderon.

Bilang bahagi ng tradisyon tuwing Lunes matapos ang flag ceremony, personal na kinakausap at tinatanggap ni Mayor Calderon ang mga residente na may iba’t ibang pangangailangan—mula sa tulong pinansyal, medikal, edukasyon, hanggang sa mga problemang panlipunan.

Ang ganitong aktibidad ay nagbibigay ng direktang pagkakataon sa mga mamamayan na mailapit ang kanilang mga hinaing sa lokal na pamahalaan nang hindi dumaraan sa mahabang proseso.

Kasama rin sa nasabing programa ang ilang opisyal at kawani ng Pamahalaang Bayan upang agad na maaksyunan ang mga isyung inilalapit ng mga mamamayan. Sa pamamagitan nito, mas napapadali ang pagbibigay ng kaukulang serbisyo at mas natitiyak na walang kababayan ang napag-iiwanan.

Patuloy na isinusulong ng Pamahalaang Bayan ng Angono ang ganitong mga inisyatiba bilang bahagi ng kanilang adhikain na mailapit ang serbisyo-publiko sa lahat at mas lalo pang palakasin ang ugnayan ng pamahalaan at ng komunidad.

Source: Angono Public Information Office FB Page

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *