Agad na rumesponde ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office V – Bicol Region, sa pamumuno ni Regional Director Norman S. Laurio, sa dalawang pamilyang naapektuhan ng magkahiwalay na insidente ng sunog sa Brgy. Sumlang, Camalig, Albay at Brgy. Libtong, Libon, Albay.
Batay sa ulat ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) Camalig, isang pamilya na binubuo ng apat (4) na indibidwal ang naapektuhan matapos na tuluyang matupok ang kanilang bahay dahil sa “short circuit power lines” noong Agosto 15, 2025.
Samantala, isang pamilyang 4Ps na may pitong (7) miyembro naman ang nawalan ng tirahan sa Brgy. Libtong, Libon matapos ang sunog na dulot ng “unattended cooking” noong Agosto 12, 2025.
Bilang tugon, nagpaabot ang DSWD Bicol ng Family Food Packs (FFPs), Hygiene Kit, Kitchen Kit, Sleeping Kit, Family Kit, Collapsible Water Container, Purified Drinking Water, at Tarpaulin Sheet sa magkaparehong pamilya na may kabuuang halagang ₱19,169.28.
Makakatanggap din ng tulong pinansiyal ang mga apektadong pamilya sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program ng ahensya.
Patuloy ang DSWD Bicol, katuwang ang mga lokal na pamahalaan, sa pagbibigay ng agarang, makatao, at koordinadong serbisyo para sa mga pamilyang biktima ng sunog at iba pang sakuna.
Source: DSWD Field Office V