Matagumpay na namahagi ang Pamahalaang Panlalawigan ng tulong pinansyal para sa mga mangingisdang naapektuhan ng magkakasunod na bagyong Crising, Dante, at Emong sa MAPSA area (Mamburao, Paluan, Sta. Cruz, at Abra de Ilog) nito lamang Agosto 19, 2025.
Ang aktibidad ay Personal na pinangunahan ni Ed Gadiano, Governor, sa tulong ng Office of the Provincial Agriculturist (OPA), 55 benepisyaryong mangingisda na nagtamo ng total at partial damage sa kanilang mga bangka ang nabigyan ng pinansyal na suporta mula sa pamahalaang panlalawigan. Layunin ng programang ito na matulungan silang muling makapagsimula at maibalik ang kanilang kabuhayan na labis na naapektuhan ng mga nagdaang kalamidad.
Ayon kay Governor Gadiano, ang tulong na ito ay bahagi lamang ng patuloy na mga hakbangin ng pamahalaang panlalawigan upang tugunan ang mga pangangailangan ng mga Mindorenyong labis na naaapektuhan ng mga natural na sakuna. Dagdag pa niya, hindi ito ang huling hakbang ng pamahalaan—kundi isang bahagi lamang ng mas malawak na programa na nakatuon sa pagbangon at pag-unlad ng sektor ng agrikultura at pangisdaan sa lalawigan.
“Asahan ninyo na hindi dito nagtatapos ang ating tulong. Patuloy nating sisikapin na mapakinggan at matugunan ang mga hinaing ng ating mga kababayan, lalo na ang mga nasa laylayan ng lipunan,” pahayag ni Gov. Gadiano.
Ang inisyatibong ito ay patunay ng pagtutok ng pamahalaang panlalawigan sa pagbibigay ng agarang tulong at suporta sa mga lubos na nangangailangan, lalo na sa panahon ng sakuna. Isa rin itong paalala ng kahalagahan ng pagkakaisa at pagtutulungan upang muling makabangon ang bawat pamilyang Mindorenyo.
Source: Governor Ed Gadiano Occidental Mindoro