Matagumpay na inilunsad ng Philippine Coconut Authority ang Mobile Health Services at Coconut Farmers and Industry Development Plan Caravan na ginanap sa Quezon Convention Center, Lucena City, Quezon kahapon, Agosto 15, 2025.
Ang nasabing aktibidad ay bilang bahagi ng Regional Coconut Day at Niyogyugan Festival 2025 ng lalawigan ng Quezon na naglalayong ilapit sa mga magniniyog ang libreng serbisyong pangkalusugan gaya ng; Medical Consultation, Ultrasound, Urinalysis, ECG, CBC, Blood Chemistry, X-Ray, Dental Extraction at libreng gamot sa mga nangangailangan.

Mahigit 1,000 residente mula sa iba’t ibang bahagi ng Quezon ang nabiyayaan ng tulong at serbisyong hatid ng programa, na naglalayong itaas ang kalidad ng kanilang pamumuhay.
Samantala, dinaluhan ang nasabing aktibidad nina Vice Governor Third Alcala at Provincial Administrator Manny Butardo bilang kinatawan ni Governor Doktora Helen Tan, kasama ang ilang miyembro ng Sangguniang Panlalawigan.
Ipinahayag ng mga opisyal ang kanilang buong suporta sa mga magsasaka ng niyog at ang kanilang pangakong patuloy na makikipagtulungan upang higit pang mapaunlad at mapalawak ang produksyon ng niyog sa lalawigan ng Quezon.
Source: Provincial Government of Quezon