Patuloy ang isinasagawang onsite awarding ng Department of Agriculture – Special Area for Agricultural Development (DA-SAAD) MIMAROPA para sa mga benepisyaryong asosasyon ng limang bayan sa lalawigan ng Romblon nito lamang Agosto 15, 2025.
Ang mga bayan ng Alcantara, Ferrol, Sta. Maria, Calatrava, at San Andres ang tinungo ng DA-SAAD upang personal na ihatid ang mga livelihood interventions na layong suportahan ang kabuhayan ng mga maliliit na magsasaka at mangingisda, lalo na sa mga liblib at economically challenged na komunidad.
Ang aktibidad ay pinangasiwaan ng DA SAAD Regional at Provincial Program Support Management Office, katuwang ang mga lokal na pamahalaan at asosasyon ng mga benepisyaryo. Layunin ng programa na mapaunlad ang kapasidad sa agrikultura at palakasin ang kabuhayan sa mga lugar na hindi pa lubusang naaabot ng ibang interbensyon ng pamahalaan.

Dumalo si Dr. Arnulfo De Luna, OIC ng Office of the Governor Sub-Office sa Tablas, bilang kinatawan ni Gobernadora Trina Firmalo-Fabic, upang magbigay ng mensahe ng inspirasyon at patuloy na suporta mula sa pamahalaang panlalawigan. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagtutulungan ng mga magsasaka, mangingisda, at mga ahensyang nagbibigay serbisyo upang makamit ang mas maunlad na sektor ng agrikultura sa Romblon.
Ayon sa DA-SAAD MIMAROPA, ang mga interbensyon ay kinabibilangan ng mga kagamitang pangsakahan, binhi, at iba pang materyales na makatutulong sa pagpapabuti ng ani at kita ng mga benepisyaryo.
Sa tulong ng programang ito, inaasahang mas magiging produktibo at mas matatag ang kabuhayan ng mga benepisyaryo sa mga nasabing bayan, at higit sa lahat, mas mapapalapit ang serbisyo ng pamahalaan sa mga nasa laylayan ng lipunan.
Source: Romblon Provincial Information Office