Nagpaabot ng pakikiramay at nagkaloob ng tulong-pinansyal noong Agosto 14, 2025, ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office V-Bicol Region sa pamilya ng 43-taong gulang na pumanaw matapos maaksidente sa Barangay Sogoy, Castilla, Sorsogon.
Ayon sa ulat, dakong alas-6:50 ng hapon noong Agosto 8, 2025, nang magkabanggaan ang dalawang motorsiklo habang binabaybay ang Diversion Road ng Sogoy.
Agad na isinugod ang dalawa sa Castilla District Hospital, ngunit idineklara nang dead on arrival ang isa sa mga ito, habang ang isa ay nagtamo naman ng mga sugat at kasalukuyan pang nasa ospital.
Bilang tugon, ipinag-utos ni Regional Director Norman S. Laurio, ang agarang pagpaabot ng Php10,000 na funeral assistance sa naiwang pamilya.
Ang tulong-pinansyal na ito ay sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program ng DSWD na nakalaan para sa mga gastusin sa pagpapalibing sa namayapang biktima.
Upang matulungan na mapagaan ang nararamdaman ng asawa nito, nagsagawa rin ng psychosocial intervention ang mga social worker ng Crisis Intervention Section (CIS) ng Sorsogon City Satellite Office.
Samantala, nakatakda ring magpaabot ng medikal na assistance ang ahensya sa isa pang driver na ginagamot pa rin ngayon sa ospital.
Sa ilalim ng pamumuno ni DSWD Secretary Rex Gatchalian, at sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr, ang DSWD Bicol ay patuloy na magtataguyod ng mabilis at may malasakit sa serbisyo para sa mga nangangailangang Bicolano.
Source: DSWD Field Office V