Nakipagpulong ang Department of Social Welfare and Development Field (DSWD) Office V – Bicol Region sa mga kinatawan ng mga Local Social Welfare and Development Office ng 15 na mga lungsod at munisipyo sa Albay upang tingnan kung saan maaaring makapaghatid ng karagdagang suporta ang mga Local Government Unit (LGU) sa mga kalahok ng Sustainable Livelihood Program (SLP) at upang ibahagi ang direksyon ng naturang programa sa mga susunod na buwan.
Isinagawa ang nasabing miting noong ika-14 ng Agosto, 2025 sa La Roca Veranda Suites, Legazpi City. Sa harap ito ng nalalapit na transisyon ng ahensya sa bago nitong polisiya para sa pagpapatupad ng SLP.
Iprinesenta sa nasabing aktibidad ang iba’t ibang interbensyon ng DSWD Bicol para sa mga kalahok ng SLP sa bawat yugto ng implementasyon ng programa, at mga potensyal na assistance na kakailanganin nila mula sa LGU.

Kasunod nito, inilathala naman ng mga kinatawan ng LSWDO ang mga suportang maaaring maibigay ng lokal na pamahalaan nila. Kabilang sa mga ito ay logistical assistance, pagsulong ng mga lokal na polisiya ng pagsuporta, pagtatalaga ng livelihood focal person, at paglalaan ng badyet.
Ibinida rin ng DSWD FO V sa naturang pagtitipon ang mga tulong na naipaabot ng SLP sa mga Albayano mula 2019 hanggang ngayong taon at ang mga naging tagumpay nito dulot ng pakikipagtulungan sa pampubliko at pribadong sektor. Bukod dito, ipinakilala rin ng ahensya ang iba pa nitong mga programa.
Katuwang ang mga lokal na pamahalaan, patuloy na pinaiigting ng DSWD Bicol – SLP sa pangunguna ni Regional Director Norman Laurio ang kakayahan, kasanayan, at kaalaman ng mga nangangailangang Bicolano upang magkaroon ng sustenableng kabuhayan at mapaunlad ang kanilang antas ng pamumuhay.
Alinsunod ito sa mga direktiba ni DSWD Secretary Rex Gatchalian at sa hangaring pangsosyo-ekonomiko ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na nailathala sa Philippine Development Plan 2023-2028.
Source: DSWD Field Office V