Isinagawa ngayong umaga, Agosto 4, 2025 ang payout para sa mga Barangay Health Workers (BHW), benepisyaryo ng Assistance in Crisis Situation (AICS), at mga senior citizens sa Provincial Government of Romblon Multipurpose Building, Ground Floor, sa bayan ng Romblon.
Tumayo bilang opisyal na kinatawan ni Governor Trina Firmalo-Fabic si Former Judge Jose Madrid sa nasabing aktibidad. Nagbigay rin ng mahalagang mensahe si Dr. Ramer Ramos, ang Provincial Administrator, na tinalakay ang mga programang pangkalusugan ng pamahalaang panlalawigan at ang pagsisikap na mapalakas pa ang serbisyong medikal sa buong probinsya.

Ayon kay Dr. Ramos, malaking bahagi ng budget ng lalawigan ang ilalaan para sa pagpapabuti ng mga ospital at pasilidad pangkalusugan sa buong Romblon. Aniya, layunin nitong matiyak ang mabilis, episyente, at abot-kayang serbisyong medikal para sa lahat ng Romblomanon.
Kabilang sa mga tumanggap ng payout ang mga Barangay Health Workers (BHWs), bilang pagkilala sa kanilang tuloy-tuloy na serbisyo at sakripisyo sa mga komunidad, lalo na sa larangan ng kalusugan. Kasama rin sa naipamahagi ang tulong mula sa Assistance in Crisis Situation (AICS) para sa mga indibidwal at pamilyang dumaranas ng matinding krisis gaya ng pagkakasakit, kalamidad, o pagkawala ng kabuhayan.
Hindi rin nakalimutan ang mga nakatatanda, na tumanggap ng tulong pinansyal at medikal sa ilalim ng pangangasiwa ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO). Ayon sa pamahalaang panlalawigan, kabilang ang mga senior citizens sa mga pangunahing priyoridad ng mga programang panlipunan ng lalawigan.
Ang nasabing aktibidad ay naisakatuparan sa tulong at koordinasyon ng iba’t ibang tanggapan kabilang ang Provincial Health Office, PSWDO, Office of the Senior Citizens Affairs, Office of the Provincial Administrator, Provincial Treasurer’s Office, at mga Rural Health Units sa iba’t ibang bayan ng Romblon.
Ang payout activity ay bahagi ng mas malawak na inisyatiba ng Pamahalaang Panlalawigan ng Romblon upang itaas ang antas ng kabuhayan at kagalingan ng mga mamamayan.
Source: Romblon Provincial Information Office