Ikinagalak ng nasa 150 mag-aaral mula Kindergarten hanggang Grade 6 ang naging selebrasyon ng Children’s Day na may temang “Magkaisa para sa Kabutihan” na ginanap sa Tagabinet Elementary School, Lungsod ng Puerto Princesa nito lamang ika-2 ng Hulyo 2025.

Ang aktibidad ay pinangunahan ng Rotary Club of Puerto Princesa sa pamumuno ni Maria Cecilia Fresnillo. Nagpaabot rin ng suporta ang Barangay Council of Tagabinet, Marine Battalion Landing Team 9, 4th Air Force Wing Reserve Civil Military Operations Reserve, Tagabinet Elementary School Principal P. A. Beth Maclang at mga park rangers, CSWD, City Agriculture Office, City Veterinary Office, at City DILG.

Isinagawa sa aktibidad ang pamamahagi ng mga school supplies, libreng gupit para sa mga mag-aaral at magulang, story telling, lecture tungkol sa pananakot at responsible parenting. Itinuro din ang wastong paghuhugas ng kamay at pag-toothbrush para sa mga mag-aaral sa Kindergarten at Grade 1, at nagbigay ng hygiene kits. Nagkaroon din pagtatanim ng humigit-kumulang 100 puno ng prutas tulad ng rambutan, guyabano, lansones, at durian.

Napili ang nasabing paaralan bilang benepisyaryo ng aktibidad dahil nakita nila na ang paaralan ay nangangailangan ng pangangalaga at tulong, lalo na sa pagkakaroon ng mga batang IP at mga isyu tulad ng kakulangan ng kuryente at iba pang pangangailangan.

Source: Palawan News

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *