Kalunos-lunos na humantong sa pagkawala ng isang batang lalaki matapos ang isang aksidente sa kalsada sa kahabaan ng North National Highway sa Barangay Tagburos nito lamang ika-11 ng Enero 2025.

Dinala ng ambulansya sa Adventist Hospital Palawan ang biktimang natamaan habang nagbibisikleta ngunit idineklara itong dead on arrival.

Iniulat ng mga saksi na ang driver ng sasakyan, na hinihinalang lasing, ay mabilis na tumakas matapos mabangga ang bata. Hinabol ng mga concerned citizen ang sasakyan at tuluyang nakorner sa Barangay San Jose.

Sa ulat ng pulisya, nakasaad na ang sasakyang nasangkot sa aksidente ay isang itim na Suzuki Ertiga. Ang driver, 42-anyos na aktibong miyembro ng Philippine Air Force at residente ng Wescom Road, Barangay San Miguel, ay napaulat na patungo sa city proper nang mangyari ang insidente.

Sinabi ng kaibigan ng biktima, na nagbibisikleta sa unahan niya, sa mga imbestigador ng pulisya na nakarinig siya ng malakas na impact. Sa pagbabalik, nakita niya ang bata na nakahandusay sa kalsada habang patuloy na nagmamaneho ang sasakyan, hila-hila ang bisikleta ng biktima sa highway bago tuluyang huminto sa di kalayuan.

Iniimbestigahan ng mga awtoridad ang kaso sa ilalim ng mga kasong reckless imprudence resulting in homicide at damage to property with abandonment. Itinago ng pulisya ang pangalan ng suspek habang hinihintay ang karagdagang imbestigasyon.

Source: Palawan News

Panulat ni Patrolwoman Ana Rose D Guadaña

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *