Nakatanggap ng fuel subsidy mula sa lokal na pamahalaan ng Oriental Mindoro sa pakikipagtulungan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang 177 mangingisda mula sa Calapan City at Baco na naapektuhan ng oil spill noong Agosto 2, 2024.

Nakiisa sa gawain sina Alely Casubuan-Tan, Board Member, Fay Ilano-Navarro, Board Member, MiKo Atienza, SP Executive Assistant at Rafael Panaligan at Atty. Jel Magsuci, City Councilors.

Nagbigay ng mensahe ng pag-asa si Gobernador Bonz sa mga benepisyaryo, na nagsabing, “Bagama’t tapos na ang ating pinagdaanan, naghahanap pa rin ang pamahalaan ng mga paraan upang kayo ay matulungan. Makakaasa kayo na lagi ninyong kaagapay ang inyong Gobernador sa inyong tuluyang pagbangon mula sa oil spill.”

Ibinahagi rin ni Gobernador Bonz ang kanyang karanasan sa pagdalo sa Joint NDRRMC-RDRRMC 3 Emergency Meeting hinggil sa oil spill sa Bataan. Siya ay inimbitahan upang magbahagi ng karanasan ng Oriental Mindoro matapos ang paglubog ng MT Princess Empress noong nakaraang taon, na itinuturing na isa sa pinakamabilis na oil spill response sa buong mundo. Binanggit din niya ang ilang mga programa na bahagi ng rehabilitation at recovery plan ng lalawigan para sa mga mangingisda.

Ipinakita ng programa ang patuloy na pagsusumikap ng lokal na pamahalaan na tulungan ang komunidad na maka-recover mula sa mga sakunang pangkalikasan at tiyakin ang pangmatagalang kabuhayan ng mga apektadong mangingisda.

Source: Public Information Office-Oriental Mindoro

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *