Matagumpay na naisagawa ang oryentasyon para sa mga bagong mag-aaral ng elementarya at sekondarya sa ilalim ng Alternative Learning System (ALS) program na ginanap sa loob ng Naujan District Jail nito lamang Agosto 4, 2024.
Ang proyektong ito ay pinangunahan ng mga dedikadong guro ng ALS mula sa Naujan East District at sinuportahan ni Jail Senior Inspector Herman Jose G. Madrigal, na kasalukuyang namamahala sa piitan.

Ang oryentasyon ay dinaluhan ng tatlumput isang (31) PDL na lalaki at isang (1) PDL na babae na nagpakita ng interes na ipagpatuloy ang kanilang edukasyon kahit nasa loob ng piitan. Ang mga mag-aaral na ito ay nagpakita ng matinding dedikasyon at determinasyon na mapabuti ang kanilang kakayahan at madagdagan ang kaalaman sa kabila ng mga pagsubok na kanilang hinaharap.
Sa pamamagitan ng ALS program, binibigyan ng pagkakataon ang mga PDL na makapagtapos ng elementarya at sekondarya. Ang programa ay naglalayong maghatid ng de-kalidad na edukasyon sa mga lugar at sektor ng lipunan na kadalasang hindi naaabot ng pormal na sistema ng edukasyon.

Ang mga guro mula sa Naujan East District ay nagpakita ng kanilang buong suporta at pag-unawa sa mga pangangailangan ng kanilang mga estudyante. Sa pamamagitan ng mga adaptibong pamamaraan ng pagtuturo, sinisiguro nilang maipapasa ang kaalaman at kasanayan na kailangan ng mga mag-aaral.
Ang oryentasyon ay nagsilbing simula ng kanilang paglalakbay patungo sa edukasyon at pagbabago. Ang mga PDL na sumailalim sa programa ay nagpapakita ng malaking pasasalamat at pag-asa sa mga pagkakataong ibinibigay sa kanila.
Ang ALS program sa loob ng Naujan District Jail ay isang patunay na ang edukasyon ay walang hangganan at maaaring maging tulay patungo sa mas magandang bukas, kahit pa nasa loob ng piitan.
Source: Naujan Public Information Office