Sa layuning isulong ang kapakanan ng kababaihan sa bayan ng Odiongan, matagumpay na naisagawa ang dalawang araw na Digital Literacy Training noong Hunyo 25-26, 2024.
Ang aktibidad na ito ay pinangunahan ng Odiongan Local Council of Women, sa pamumuno nina Gng. Gecelle Fainsan at Gng. Elena Casidsid. Lumahok dito ang mga opisyal at kasapi ng iba’t ibang samahan ng kababaihan, na nagpakita ng kanilang determinasyon at sigasig sa pagsasanay.

Si G. Kim Anthony Faderon, ang Public Information Officer ng Odiongan, ang nagbahagi ng kanyang mahalagang kaalaman at kasanayan sa mga kalahok. Sa tulong niya, natutunan ng mga kababaihan ang tamang paggamit ng social media platforms tulad ng Facebook upang epektibong mai-promote ang kanilang mga produkto at makipag-ugnayan sa mas malaking komunidad.
Ang programang ito ay naglalayong bigyan ng sapat na kaalaman at kasanayan ang mga kababaihan sa paggamit ng social media para sa kanilang mga asosasyon at sa pag-promote ng kanilang mga produkto.

Ang pagsasanay na ito ay isang patunay na ang ating mga kababaihan ay handang humakbang patungo sa mas maliwanag na kinabukasan sa pamamagitan ng pagyakap sa mga makabagong teknolohiya.
Source: Odiongan Public Information Office