Namangha ang mga turistang lulan ng MS Westerdam Cruise Ship ng sila ay bumisita sa Palawan Heritage Center (PHC) ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan sa kapitolyo, Lungsod ng Puerto Princesa nito lamang Pebrero 28, 2024.

Ang mga international tourists ay malugod na sinalubong ng pamunuan ng PHC sa pangunguna ng tagapamahala nito na si Mary Rose Palanca-Caabay, Chief Administrative Officer.
Nagsilbi namang tour guide sa pag-ikot ng mga turista sa museo ang staff at in-house artists ng PHC. Ipinaliwanag sa mga turista ang kasaysayan ng lungsod at lalawigan gayundin ang sining, kultura at mga bagay o simbolo na naka-display sa loob ng museo.

Ang Palawan Heritage Center ang sumasalamin sa pagpapalaganap at pagpapahalaga sa kultura, kasaysayan, at likas yaman ng lalawigan ng Palawan. Layunin nitong mas pahalagahan ang Kultura, Edukasyon, Turismo at Pagpapalakas sa Ekonomiya, at Pangangalaga sa Likas Yaman ng lungsod.
Sa kabuuan, ang mga turista ay nagalak at nasiyahan sa yamang taglay ng Palawan na kanilang nalaman sa paglilibot sa Palawan Heritage Center na siyang mahalagang sangay ng kultura at turismo na naglalayong mapanatili at palakasin ang pagpapahalaga sa kasaysayan, kultura, at likas yaman ng lalawigan ng Palawan.
Source: PIO Palawan