Binigyang-pagkilala ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang mga mamamahayag mula sa Laguna, Cavite, at Quezon, kabilang ang Philippine Information Agency (PIA) Calabarzon, sa ginanap na 2026 Media Pasasalamat na may temang “Kasama sa Kwento, Katuwang sa Serbisyo” noong Oktubre 22 sa Hotel Marciano, Calamba City, Laguna. Layunin ng pagkilala na bigyang-pugay ang mahalagang papel ng media sa pagpapalaganap ng impormasyon tungkol sa mga benepisyo, programa, at serbisyo ng ahensya.

Kinilala ang PIA Calabarzon sa pamamagitan ng mga information center nito sa Laguna, Cavite, at Quezon dahil sa patuloy na paghahatid ng tama, napapanahon, at mapagkakatiwalaang impormasyon sa publiko, partikular sa mga serbisyong pangkalusugan ng pamahalaan. Nakatutulong ang mga impormasyong ito upang mapalawak ang kaalaman ng mga mamamayan sa mga programang maaari nilang mapakinabangan.

Sa pangunguna ni Regional Director Ma. Cristina Arzadon, muling pinagtibay ng PIA Calabarzon at ng mga kawani nito ang suporta sa PhilHealth sa pagsusulong ng malawakang pagpapalaganap ng impormasyon tungkol sa mga serbisyong pangkalusugan. Sa pamamagitan ng patuloy na pagtutulungan ng dalawang ahensya, inaasahang higit pang mapalalakas ang kamalayan ng publiko at matutulungan ang mga mamamayan na magkaroon ng sapat na kaalaman upang makinabang sa mga programa at serbisyong pangkalusugan ng pamahalaan.

Source: PIA CALABARZON

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *