NAUJAN, Oriental Mindoro — Mahigit 200 residente ang nakinabang sa libreng serbisyong pangkalusugan sa isinagawang medical mission ni Pola Mayor Jennifer Mindanao Cruz sa Barangay Bagong Buhay 1, Naujan, Oriental Mindoro, gamit ang “LAB for All” Bus na handog ni First Lady Liza Araneta-Marcos.

Kabilang sa mga serbisyong ipinagkaloob nang walang bayad ang general consultation, mga pangunahing laboratory test gaya ng X-ray, libreng gamot, at dental services sa pangunguna ni Dr. Dianna Datu-Retusto. Ayon kay Cruz, layunin ng programa na mailapit ang serbisyong pangkalusugan sa mga Mindoreño, lalo na sa mga kapos sa pinansyal na kakayahan upang makapagpakonsulta at makabili ng gamot.

Nagpasalamat naman si Cruz kay First Lady Liza Araneta-Marcos sa pagkakaloob ng “LAB for All” Bus na nagsisilbing daan upang maihatid ang serbisyong medikal maging sa mga malalayong barangay. Matapos ang unang leg sa Naujan, nakatakdang isagawa ang susunod na medical mission sa Barangay Sto. Niño, Calapan City, sa Oktubre 25 upang higit pang mapalawak ang access ng mga residente sa libreng konsultasyon at laboratory test.

Source: PIA MIMAROPA

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *