CALAMBA CITY, Laguna (PIA) — Kinilala ng Pamahalaang Lungsod ng Calamba ang mga beteranong kawani ng pamahalaan na naglaan ng maraming taon sa serbisyo publiko at naging bahagi ng pag-unlad ng lungsod, bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-284 na anibersaryo ng pagkakatatag ng Calamba.
Binigyang-diin ni Mayor Roseller Rizal ang mahalagang ambag ng mga retiradong kawani na sa loob ng maraming taon ay nagpatupad ng mga polisiya, namahala sa mga programa at nagpaunlad ng mga sistema upang mapabuti ang serbisyo ng pamahalaang lungsod.
Ayon kay Rizal, bagama’t nagbabago ang mga tanggapan, teknolohiya at pamamaraan ng pamamahala, nananatiling mahalagang bahagi ng kasalukuyang Calamba ang mga pundasyong iniwan ng mga naunang lingkod-bayan.
Kasabay nito, kinilala rin ng pamahalaang lungsod ang mga dating alkalde at bise alkalde na naging bahagi ng paghubog sa pagkakakilanlan, paglago at pag-unlad ng Calamba.
Pinarangalan din ang mga natatanging Calambeño na nagpakita ng kahusayan sa larangan ng sining, musika at palakasan, kabilang sina Filipino soprano Leanne Reese Tavita at atletang si Lorraine Audrey Batalla na patuloy na nagdadala ng karangalan sa lungsod at bansa sa mga pandaigdigang kompetisyon.
Kinilala rin si Gilbert Atasan dahil sa kanyang katapangan nang isalba ang isang ina at anak na tinangay ng rumaragasang tubig-baha matapos ang pagguho ng lupa dulot ng malakas na pag-ulan sa Barangay Mapagong noong Hulyo.
Binigyang-diin din sa pagdiriwang ang mga natapos at nagpapatuloy na proyekto ng pamahalaang lungsod sa edukasyon, kalusugan, serbisyong panlipunan at iba pang pangunahing pangangailangan ng mga Calambeño.
Itinatag bilang bayan noong 1742, patuloy na umuunlad ang Calamba bilang sentro ng kultura at pamanang pangkasaysayan sa rehiyon, habang isinusulong ang mahusay at tumutugong serbisyo publiko at pinananatili ang pagkakakilanlan nito bilang “Bayan ng mga Bayani.”
Source: PIA CALABARZON