POLA, Oriental Mindoro (PIA) — Umabot sa 368 kwalipikadong benepisyaryo sa Barangay Calubasanhon, Pola, Oriental Mindoro ang tumanggap ng tig-limang kilo ng bigas mula sa lokal na pamahalaan bilang bahagi ng patuloy na pagpapatupad ng rice assistance program sa bayan.

Ang pamamahagi ay bahagi ng programang “Bawat Bayan Makikinabang” ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na pinopondohan sa pamamagitan ng Local Government Support Fund (LGSF), upang makatulong sa mga pamilyang nangangailangan ng karagdagang suporta para sa kanilang pangunahing pangangailangan.
Ayon kay Pola Mayor Jennifer Mindanao Cruz, patuloy na sisikapin ng lokal na pamahalaan na maabot ang lahat ng kwalipikadong benepisyaryo sa iba’t ibang barangay ng bayan upang matiyak na walang maiiwan sa pagpapatupad ng programa.

Layunin ng rice assistance na makatulong na mabawasan ang gastusin ng mga pamilya sa pagkain, lalo na sa harap ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Patuloy naman ang pamahalaang bayan ng Pola sa pamamahagi ng ayuda sa iba pang kwalipikadong benepisyaryo sa mga natitirang barangay.
Source: PIA MIMAROPA