Itinuturing nang hindi malusog ang kalidad ng hangin sa Puerto Princesa City dahil sa umiiral na haze, ayon sa monitoring ng Environmental Management Bureau (EMB) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Batay sa pagsusuri alas-8 ng umaga noong Setyembre 1, naitala ang Air Quality Index (AQI) na 167 para sa airborne particulate matter (PM) 2.5, na may hourly concentration na 72 µg/m³. Ang ganitong kondisyon ay maaaring magdulot ng panganib lalo na sa mga sensitibong grupo gaya ng mga bata, matatanda, buntis, at mga may problema sa paghinga.
Ayon kay Puerto Princesa City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) Chief Earl Timbancaya, dapat mag-ingat ang mga may dati nang karamdaman sa gitna ng umiiral na haze. Pinayuhan din ang publiko na manatiling hydrated, magsuot ng naaangkop na proteksyon tulad ng N95 mask, at iwasan ang matagal na pananatili sa labas, partikular ang mga kabilang sa vulnerable groups.
Ipinaliwanag ni Timbancaya na ang haze ay maaaring maiugnay sa transboundary haze mula Indonesia na dala ng umiiral na southwest monsoon o habagat. Ayon naman sa World Health Organization (WHO), ang PM 2.5 ay maliliit na partikulo na maaaring makapasok sa baga at bloodstream at makaapekto sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Samantala, inaasahang maaaring bumuti ang kondisyon ng hangin sa lungsod pagsapit ng Miyerkules, Huwebes o Biyernes batay sa mga forecast model na minomonitor ng CDRRMO. Gayunman, nakadepende pa rin ang sitwasyon sa lagay ng hangin at sa pamamahala sa mga sunog sa Indonesia.
Source: PIA MIMAROPA