ODIONGAN, Romblon — Halos 11,000 kabahayan sa mga bayan ng Cajidiocan at Magdiwang ang tumanggap ng tig-10 kilo ng bigas nitong nakaraang weekend sa ilalim ng Local Government Support Fund (LGSF) ng pambansang pamahalaan. Layunin ng programa na makatulong sa mga pamilyang apektado ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at mapalakas ang seguridad sa pagkain sa mga komunidad.
Sa bayan ng Cajidiocan, nasa 7,000 kabahayan ang nabigyan ng rice assistance sa pamamagitan ng LGSF sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. Ayon kay Mayor Marvin Ramos, malaking tulong ang programa sa mga residente at tiniyak niyang patuloy na kikilos ang lokal na pamahalaan upang maihatid agad ang mga serbisyo ng gobyerno. Nagpasalamat din siya kay Pangulong Marcos sa pagsasama sa kanilang bayan sa rice subsidy program. Samantala, humigit-kumulang 3,800 kabahayan naman sa Magdiwang ang nakatanggap din ng tig-10 kilo ng bigas. Sinabi ni Mayor Noel Joseph Machon na sabay-sabay isinagawa ang pamamahagi sa siyam na barangay upang matiyak ang agarang pagdating ng ayuda sa mga kwalipikadong benepisyaryo.
Sa pagpapatupad ng programa sa Cajidiocan at Magdiwang, umabot na sa 10 sa 17 munisipalidad ng Romblon ang nagsimula o nakatapos na ng pamamahagi ng rice assistance sa ilalim ng LGSF. Kabilang sa mga naunang nagpamahagi ng ayuda ang Banton, Calatrava, Concepcion, Looc, Romblon, San Agustin, San Andres, at Santa Fe. Bahagi ang LGSF rice assistance program ng patuloy na inisyatiba ng pambansang pamahalaan upang mapalakas ang food security at matulungan ang mga pamilyang higit na nangangailangan sa gitna ng tumataas na halaga ng pagkain.
Source: PIA MIMAROPA