Tinatayang 650 solo parents mula sa 80 barangay sa San Pablo City ang nakatanggap ng tig-30 kilong libreng bigas sa ilalim ng Bawat Bayan Makikinabang (BBM) Rice Program, bilang bahagi ng patuloy na suporta ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga pamilyang nangangailangan.
Isinagawa ang distribusyon noong Sabado, Hulyo 25, bilang bahagi ng 2nd Wave National Rice Distribution for Solo Parents, na pinondohan sa pamamagitan ng Local Government Support Fund (LGSF). Layunin ng programa na makatulong sa pagtugon sa pang-araw-araw na pangangailangan sa pagkain ng mga benepisyaryong solo parent sa iba’t ibang komunidad.

Nakiisa rin ang Pamahalaang Panlalawigan ng Laguna sa pamamagitan ng pagbibigay ng karagdagang pondo at suporta upang matiyak na maabot ng programa ang mga kwalipikadong benepisyaryo. Para sa kinatawan ni Laguna Governor Sol Aragones, mahalaga ang pagtutulungan ng iba’t ibang antas ng pamahalaan upang mas mabilis at epektibong matugunan ang mga pangangailangan ng mga mamamayan.
Samantala, nagpaabot ng pasasalamat si San Pablo Acting Mayor Justin Colago sa administrasyon ni Pangulong Marcos Jr. sa pagpapatupad ng programa sa lungsod. Tiniyak din niya ang patuloy na pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan sa mga programa at proyekto ng pambansa at panlalawigang pamahalaan upang higit na maramdaman ng mga mamamayan ang serbisyong nagmumula sa pamahalaan
Source: PIA CALABARZON